MENSAHE NG BUTIL NG KAPE
REPLEKSYON
Ano ang kaisipang nakapaloob sa Mensahe ng Butil ng Kape?
Para sa akin, ang kaisipang nakapaloob dito ay tungkol sa mga suliranin sa ating buhay. Lahat ng tao ay may mga pagsubok na pinagdaraanan. Sa kwentong ito, ang suliranin sa ating buhay ay ang kumukulong tubig at tayo ang mga carrot, itlog, at ang butil ng kape. Pare - pareho tayong may mga suliranin sa buhay ngunit iba't iba ang ating reaksyon at pamamaraan kung paano natin ito malalagpasan.
Paano ko nga ba ihahalintulad ang aking mga karanasan sa kwentong ito? Mapapansin natin na ang carrots na sa una ay matigas, malakas, at tila di na matitinag subalit matapos mailahok sa kumukulong tubig ay naging malambot na kumakatawan sa kahinaan. Nang mabasa ko ito kaagad pumasok sa aking isipan na ako ay minsan nang naging isang matigas at malakas ngunit naging mahina pagkatapos ng mga nangyari sa aking buhay.
Minsan para na rin akong isang itlog. Maraming nagsasabing ako ay isang mabuting kaibigan at masayahing tao ngunit sa kabila ng mga ngiti ko, lungkot ang nadarama ko. Ginagawa ko ang lahat para sa pamilya ko. Pinipilit kong lagpasan ang mga suliranin sa aking buhay para sa mga taong pinakamamahal ko. Nagiging matatag ako at nagiging buo ang loob ko para sa kanila.
Masasabi ko rin na ako ay parang isang butil ng kape. Anumang suliranin sa aking buhay ay makakaya ko. Magiging matatag ako sa lahat ng pagsubok. Kahit anong problema ay magagawan ko ng solusyon dahil nagtitiwala ako at ginagabayan ako ng ating Panginoon.