Miyerkules, Nobyembre 2, 2016

Mensahe ng Butil ng Kape - Repleksyon


MENSAHE NG BUTIL NG KAPE

  REPLEKSYON

        Ano ang kaisipang nakapaloob sa Mensahe ng Butil ng Kape? 

               Para sa akin, ang kaisipang nakapaloob dito ay tungkol sa mga suliranin sa ating buhay. Lahat ng tao ay may mga pagsubok na pinagdaraanan. Sa kwentong ito, ang suliranin sa ating buhay ay ang kumukulong tubig at tayo ang mga carrot, itlog, at ang butil ng kape. Pare - pareho tayong may mga suliranin sa buhay ngunit iba't iba ang ating reaksyon at pamamaraan kung paano natin ito malalagpasan.
                Paano ko nga ba ihahalintulad ang aking mga karanasan sa kwentong ito? Mapapansin natin na ang carrots na sa una ay matigas, malakas, at tila di na matitinag subalit matapos mailahok sa kumukulong tubig ay naging malambot na kumakatawan sa kahinaan. Nang mabasa ko ito kaagad pumasok sa aking isipan na ako ay minsan nang naging isang matigas at malakas ngunit naging mahina pagkatapos ng mga nangyari sa aking buhay.
              Minsan para na rin akong isang itlog. Maraming nagsasabing ako ay isang mabuting kaibigan at masayahing tao ngunit sa kabila ng mga ngiti ko, lungkot ang nadarama ko. Ginagawa ko ang lahat para sa pamilya ko. Pinipilit kong lagpasan ang mga suliranin sa aking buhay para sa mga taong pinakamamahal ko. Nagiging matatag ako at nagiging buo ang loob ko para sa kanila. 
                    Masasabi ko rin na ako ay parang isang butil ng kape. Anumang suliranin sa aking buhay ay makakaya ko. Magiging matatag ako sa lahat ng pagsubok. Kahit anong problema ay magagawan ko ng solusyon dahil nagtitiwala ako at ginagabayan ako ng ating Panginoon.
            

Mensahe ng Butil ng Kape - Buod


MENSAHE NG BUTIL NG KAPE

     BUOD

            May isang magsasaka na may anak na lalaki, habang nagbubungkal ng lupa ay narinig niya ang kanyang anak na nagmamaktol dahil sa hirap at pagod ng kanilang nararanasan sa gawain sa bukid. Tiningnan niya ang kanyang anak at tinawag papunta sa kanilang kusina. Naglagay ng tubig sa tatlong palayok ang ama at ito ay pinakuluan. Nilagay ng ama ang carrot sa unang palayok, itlog sa pangalawa, at butil ng kape sa pangatlo.

             Makalipas ang dalawapung minuto, inalis ng ama ang mga palayok sa baga at ipinadama sa kanyang anak kung ano ang nangyari at kung ano ang napuna sa mga laman ng palayok. Napansin ng anak na lumambot ang carrot at nabuo ang itlog. Ipinaliwanag  ng kanyang ama ang mga dinaanang proseso ng carrot, itlog, at butil ng kape. Ang carrot na sa una ay matigas, malakas, at tila di matitinag subalit matapos mailahok sa kumukulong tubig ay naging malambot na kumakatawan sa kahinaan. Ang itlog na may puti at manipis na balat bilang proteksiyon sa likidong nasa loob nito, ay naging matigas matapos mapakuluan. Samantala, ang butil ng kape nang ito ay mailahok sa kumukulong tubig ay natunaw ngunit kapalit nito ay karagdagang sangkap na magpapatingkad dito. 

             Tinanong ng ama ang kanyang anak kung alin siya dito at ipinaliwanag ng ama ang tunay na mensahe ng kanyang ginawa. Tumugon ang kanyang anak at sinabing " ako ay magiging butil ng kape"..katulad mo mahal na ama.